Sa murang edad na isang taon, tila nakaranas na ng trauma ang isang paslit dahil sa pagmamaltratong dinanas sa dalawa niyang yaya sa Taguig City.
Sa ulat ng GMA News "Balitanghali" ni Oscar Oida, makikita sa CCTV camera ang tila pagbagsak, pagpilipit sa kamay, paghampas, pagkurot, at pagtulak ng yaya sa bata.
Nagtawanan pa ang dalawang kasambahay na sina Anna Zamora at July Garcia habang takot na takot ang alaga nang putulin nito sa harap ng bata ang ulo ng manyika.
Ang pobreng bata, nagpunta na lang sa isang sulok at ilang beses na iniuntog ang sarili.
"Nasa sulok lang po 'yung anak ko. Habang nanonood sila ng TV, ang anak ko nasa sulok, tinatakot nila ng manika. Out of takot niya na po, [inuuntog] na niya ulo niya," pahayag ng ina ng bata.
Nagsimula raw magduda ang mag-asawa sa mga yaya nang mapansin nila na nagbago ang ikinikilos ng anak.
"Ang anak po namin sa ngayon ay very jumpy, madali po siya mataranta at matakot," dagdag na pahayag ng ina.
Nang makita nila ang kuha sa CCTV, tumawag na kaagad ng mga pulis ang mga magulang ng bata para ipaaresto ang dalawang kasambahay.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang dalawang yaya.
Ayon sa Women And Children's Protection Divison ng Taguig Police, ang mga ganitong pananakit ay maaaring may pangmatagalang epekto sa mga bata.
"Ingat na ingat kayo sa pagdadala, sa pagbubuntis, tapos sasaktan lang nila. Buti kung masama kami sa dalawa, kaso naging mabuti po kami sa kanila," hinanakit ng ina ng bata. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
