Isang 32-anyos na buntis na dadalhin sa ospital ang nanganak sa loob mismo ng police patrol sa Davao City nitong Huwebes ng gabi, Mayo 7, 2026.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, inihayag ng Davao City Police Office, na unang humingi ng tulong ang babae sa Bunawan Police Station dahil manganganak na siya.
Kaagad namang rumesponde ang mga pulis at isinakay siya patungo sa Southern Philippines Medical Center.
Gayunman, hindi na nakapagpigil ang ginang at nailuwal niya ang sanggol sa loob mismo ng umaandar na sasakyan bago pa sila makarating sa ospital.
Tumulong ang mga pulis sa pagpapaanak sa babae upang matiyak ang kaligtasan ng mag-ina, hanggang sa makarating sila sa ospital.
Kinumpirma ng mga awtoridad na nasa mabuti at ligtas na kalagayan ang ina at ang kaniyang bagong silang na sanggol na lalaki.—FRJ GMA News
