Bangkay na nang matagpuan ang bata na nahulog noong Lunes sa kanal na pinabayaan ng barangay na walang takip sa Caloocan City.

Labis naman ngayon ang paghihinagpis ng ina ng bata.

Sa Exclusive report ni Oscar Oida sa GMA News '24 Oras', natagpuan na lumobo na ang mukha at wala nang damit kaninang 7a.m. ang bangkay ng 9yo na si Cheyen Fernandez, sa ilog ng Barangay Prenza 2 sa Marilao, Bulacan.

Paliwanag ni Police Senior Inspector Ed Tongol, Deputy Station Commander ng Marilao PNP, isang catch basin ang Marilao dahil mas mataas ang level ng tubig ng Caloocan kumpara sa lugar, kung kaya't lahat ng tubig na nagmumula sa kailugan ng Caloocan ay sa Marilao ang bagsak.

Si Cheyen ay nahulog sa kanal na walang takip sa Camarin, Caloocan sa kasagsagan ng ulan noong Lunes ng hapon.

Naglalakad pa sila ng kanyang kuyang nagngangalang si JM galing sa eskwelahan.

Sinubukan pang iligtas ng kuya ang bata pero sadya raw malakas ang agos.

"Maga na ang mukha niya, sa sobrang lakas ng agos ng tubig, may posibilidad na nasira ang damit ng bata," pahayag ni Tongol.

Abot-abot ang hinagpis ng ina ni Cheyen na si Liezel Galban nang makita ang anak sa punerarya.

Apat na taon na raw silang 'di nagkikita ng kanyang anak simula nang maghiwalay sila ng ama nito.

"Sorry, sorry kasi tagal na niya pinangarap na magsama-sama kami pero 'di nangyari."

Problema pa ng ina, wala pa silang pambayad sa punerarya, ngunit nakatanggap naman ng tulong ng ilang nagmagandang loob.

Hiling ng ina na sana 'di na raw mangyari sa iba ang sinapit ng kanyang anak.

"Ilang buwan mo inalagaan tapos yan lang mangyayari, dahil sa manhole. Sobrang sakit po, mas matatanggap ko pa kung may sakit siya."

Tinakpan muna ng barangay pansamantala ang butas habang wala pa silang budget sa pagpapagawa nito. —Jamil Joseph Santos/NB, GMA News