Sa kabila ng mga alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao, sinabi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, na maaaring gamitin ng ibang bansa na may problema sa iligal na droga ang taktikang ginagawa ngayon ng pamahalaang Duterte sa giyera laban sa bawal na gamot.
Sa pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni Barbers, pinuno ng House committee on dangerous drugs, na magandang pagkakataon ang pagiging host ng Pilipinas ng 13th AIPA Fact Finding Committee (AIFOCOM) to Combat the Drug Menace, na gaganapin sa July 4 - 8.
"We’re just lucky because being the host country this year with a President being serious in addressing the problem of drugs, we’ll now have the perfect venue in which to share information with other ASEAN member countries with respect to the drug problem and its solution within the country and the ASEAN member countries," anang kongresista na kabilang sa mga magiging kinatawan ng bansa sa naturang pagtitipon.
Kabilang sa mga kasapi ng AIPA ang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand at Vietnam.
Sa kabila ng mga alegasyon na may nagaganap na paglabag sa karapatang pantao sa kampanya ng pamahalaan laban sa droga, naniniwala si Barbers na hindi ito kagagawan ng administrasyong Duterte.
"Well, of course we cannot discount the fact that there are human rights violations. [But these] are perpetuated by some corrupt officials of the law enforcement agencies," anang kongresista.
"The human rights violations [are] definitely not coming from a direct order from the President. This is probably the result of some eager beaver PNP (Philippine National Police) officers running after all these drug lords and drug pushers," patuloy niya.
Dagdag pa ni Barbers, isa ring malaking tagumpay sa kampanya laban sa droga ang ginawang pagtukoy ni Pangulong Duterte ng mga malalaking personalidad na sangkot sa kalakaran ng bawal na gamot.
“Naming these drug personalities alone is already quite an achievement because no
President has ever done that,” paliwanag niya. “Remember, wala namang bigger drug personalities kung walang maliliit. Papaano magbebenta iyong mga malalaking drug lord kung wala silang kasamang maliliit? So hindi ibig sabihin sa maliliit lang tayo nakatutok, parehas tayong nakatutok diyan.” -- FRJ, GMA News
