Naaresto na ng mga pulis ang security guard na hindi na pinaabot nang buhay sa Pasko ang dalawa kaniyang katrabaho na kaniyang pinagbabaril habang natutulog sa pinapasukan nilang isang car dealership sa Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong Miyerkoles.

Ngayong Huwebes, kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO) spokesperson Police Major Hazel Asilo, ang pagkakaaresto sa suspek.

“Yes po, arrested na po siya kanina. Sa Tondo [Manila] po,” ayon kay Asilo.

Sa closed-circuit television (CCTV) footage, nakita kung papaano binaril ng suspek nang malapitan ang dalawa niyang kapuwa-sekyu sa loob ng pinapasukan nilang establisimyente sa Barangay North Fairview dakong 2:10 p.m. sa Christmas Eve.

Inamin din umano umano ng suspek ang krimen nang isailalim siya sa interogasyon.

Ayon pulisya, sinabi umano ng suspek na binu-bully siya ng mga biktima.

Inihayag ng saksi sa trabaho na humingi pa umano ng tulong ang suspek sa ibang empleyado tungkol sa gagawin niya sa mga biktima na inakala nilang nagbibiro lang.

Matapos barilin ang mga biktima, tumakas ang suspek sakay ng taxi.-- Joviland Rita/FRJGMA Integrated News