Pinaghahanap pa rin ang isang pari sa Abuyog, Leyte na iniulat na nawawala mula pa noong Martes matapos magtungo sa Tacloban City.

Kinilala ng Babatngon Municipal Police Station (MPS) sa Leyte ang nawawalang pari na si Fr. Edwin "Kutz" Caintoy, 55-anyos, kura paroko ng San Jose de Malibago Parish, at residente ng Abuyog, Leyte.

Huli umanong nakita si Caintoy na umalis noong Martes dakong 9:08 a.m.

Bumiyahe siya sa Barangay 108 sa Tagpuro, Tacloban City, sakay ng motorsiklo na minaneho ng isang sakristan. Pagdating sa Tagpuro, sumakay naman siya ng bus.

“Fr. Caintoy reportedly disembarked at the corner of Our Lady of Guadalupe Church along Quezon Boulevard, Tacloban City. At around 9:52 a.m., he was captured on CCTV from VSYS Department Store, walking toward Robinsons North Tacloban,” ayon sa pulisya.

“Since then, his whereabouts remain unknown, and he has not returned up to this time,” dagdag pa ng mga awtoridad.

Nanawagan ang pulisya sa mga may impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng pari na ipagbigay-alam sa kanilang himpilan na Babatngon Municipal Police Station, o sa kanilang hotline: 0998-598-6483.

Sa isang pahayag, sinabi ng Archdiocese of Palo na nakikipagtulungan sila sa mga awtoridad para mahanap si Fr. Caintoy.

Maaari ding makipag-ugnayan ang mga may impormasyon sa kinaroroonan ni Caintoy kay Fr. Gwen Padagdag, chancellor ng Archdiocese of Palo sa numero bilang 09282193275.—FRJ GMA Integrated News