Isang pulis ang dinakip ng kaniyang mga kabaro sa Parañaque City pagsapit ng araw ng Pasko matapos na magpaputok siya ng baril nang maingayan umano sa tatlong menor de edad na nagpapaputok naman daw ng paputok.
Sa pahayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sinabing nakatalaga ang 28-anyos na pulis na may ranggong patrolman sa Maritime Group, at dinakip pagkalipas ng hatinggabi kanina sa Barangay Sun Valley.
“Based on the complaint, the incident stemmed from the minors’ noise and use of firecrackers,” ayon sa NCRPO.
“The suspect allegedly confronted the children, drew his PNP-issued 9mm firearm, and fired shots indiscriminately in front of them, causing fear, shock, and emotional distress to the minors aged 10, 12, and 15 years old,” dagdag pa sa pahayag.
Nagsampa umano ng reklamo ang mga guardian ng mga bata laban sa pulis para sa grave threats in relation to the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, pati ang indiscriminate discharge of firearms.
Nakuha sa suspek ang PNP-issued firearm niya na may kasama na isang magazine na may tatlong live ammunition, isang empty cartridge case ng 9mm firearm, at PNP identification card.
Kinondena ni NCRPO chief Police Major General Anthony Aberin ang insidente at binigyang-diin na hindi nila kukunsintihan ang mga maling gawa ng kanilang tauhan, lalo na kung may sangkot na mga bata.
“Walang puwang sa PNP ang anumang uri ng pang-aabuso, lalo na kung ang biktima ay mga bata. Ang pagiging pulis ay hindi lisensya para manakot o gumamit ng dahas. We will ensure that the law is applied equally, regardless of rank or position,” ayon kay Aberin.
Nasa kostudiya ng mga awtoridad ang suspek na mahaharap sa kasong kriminal at administratibo dahil sa paglabag niya sa rules and regulations ng PNP, ayon sa NCRPO. — Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

