Dalawa ang nasawi  at nasa 41 katao ang nasaktan matapos yanigin ng magnitude 6.5 na lindol ang Leyte nitong Huwebes ng hapon.

Isa sa mga nasawi ay naitala sa Kananga, Leyte, ayon kay Mayor Rowena Codilla.

"Ngayon nagre-rescue na sila, may na-retrieve na kami na isang dead saka isang wounded. I don't know the age pero 'yung namatay is lalaki, tapos 'yung wounded is babae," pahayag ni Codilla sa panayam ng radio dzBB.

"Actually wala pa talaga akong exact na count (ng casualties), naghihintay din kasi kami ng rescue from the province kasi kailangan namin ng mga equipment," paliwanag niya.

Sa isa namang panayam sa "24 Oras" kay Ormoc City Mayor Richard Gomez, sinabi nito na isa ang nasawi sa kanilang lugar.

Idinagdag ng actor-politician na may 40 katao ang nasugatan.

"Meron kaming reported na number of patients dito, mga about 40. 'Yung iba nadala na namin sa ospital, tinitreat sila. Karamihan dito mga na-shock, na-trauma tapos 'yung iba naman dinadala sa district hospital dito sa Ormoc," pahayag ni Gomez.

"Minor injuries lang tapos 'yung iba naman siguro na-shock 'yung iba sa trauma sa earthquake. Although merong concerned fatality doon sa isang mountain barangay namin, natabunan ng landslide," dagdag ng alkalde.

Nagkaroon din umano mga bitak ang tatlong highway pero nadadaanan pa.

Samantala, gumuho ang two-storey Queda commercial building sa Kananga, Leyte dahil sa lindol.

May aftershocks, walang tsunami

Sinabi naman ni PHIVOLCS deputy director Bark Bautista na asahan ang pagkakaroon ng aftershocks pero walang inaasahang tsunami.

"Pag nasa lupa ang lindol, hindi usually nagkakaroon ng tsunami," paliwanag niya.

Dahil sa lindol, nawalan ng kuryente sa Tacloban City at Ormoc City.

Idineklara rin na wala nang pasok sa mga eskwelahan sa Biyernes sa nabanggit na dalawang lungsod. -- FRJ, GMA News