Binuweltahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Ombudsman Conchita Carpio Morales nitong Lunes dahil sa pagbatikos sa kaniya ng huli nitong nakaraang linggo, na mistula umanong ineengganyo ang mga tao na pumatay kaugnay ng kampanya ng pamahalaan kontra-droga at kriminalidad.
Sa kaniyang talumpati sa Malacañang sa harap ng mga bagong talagang opisyal, sinabi ni Duterte na handa siyang magbitiw sa puwesto kung may maipakikitang batas si Morales na nagbabawal sa kaniya na pagbantaan ang mga kriminal.
"Bakit iyang Ombudsman, hindi corrupt? P— ina, tanungin mo kaya iyang lahat na nagkaroon ng kaso diyan… I have dealings with them when I was a prosecutor, my god," ayon sa Pangulo.
"Ayusin mo iyang Ombudsman mo. Akala mo santo kayo diyan. Do not play god and shut up. Wala ka namang batas, ibigay mo nga sa akin? Eh abogado ka. Anak ng jueteng. Ako, ordinaryo lang, 75. Pero alam ko ang batas ko, eh ikaw dumating ka pa ng Supreme Court, hindi mo pa alam iyan. Mahiya ka sa sarili mo," patuloy niyang batikos.
Pinatutsadahan din ni Duterte si Morales at tinanong kung kailan nito sinimulang italaga ang sarili na tagapagsalita ng mga kriminal.
"Rendahan mo iyang bunganga mo[kay]may problema, totoo," payo ng Punong Ehekutibo sa Ombudsman.
"Ako, nagpipigil ako kasi your brother is my balae. Buti alam ng tao iyan. Pero kung ganoon ka mag-ano, nakita mo ang sitwasyon, sa Marawi… Hindi mo lang alam ang problema ko. I have lost so many soldiers, police," saad ni Duterte tungkol sa problema sa droga at seguridad ng bansa.
Asawa ng anak ni Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio si Atty, Mans Carpio, na pamangkin ni Morales.
Sinabi rin ni Duterte na hindi niya basta palalampasin ang mga puna sa kaniya.
"I expect them to criticize me again, but I will not take it sitting down. Noon, sinisikmura ko, kasi presidente nga, you behave. Taguin mo iyong pagkatao mo talaga. But if you do that, you bring out the worst in me. actually, maski sino. Pin— ina ko nga si Obama, kayo pa," ayon kay Duterte.
Una rito, sinabi ni Morales sa isang panayam ng NHK World, na hindi katanggap-tanggap ang paulit-ulit na pananalita ni Duterte na naghihikayat na patayin ang mga sangkot sa droga.
"He's goading people to kill people. That's a problem," ani Morales. "The directive to kill people under any situation irrespective of the context - to me, that's not acceptable."
Hindi rin tinatanggap ni Morales ang kadalasang paliwanag ng mga tagapagsalita at iba pang opisyal na "hyperbole" o eksaherado lamang ang mga pahayag ng pangulo.
"His communications people say that's hyperbole. You know, they try to rationalize whatever he says so, whether or not the police or whoever he addresses these words to believe him - that's a different story," ayon sa Ombudsman. -- FRJ/KVD, GMA News
