Natukoy na ng pulisya kung sino may dala ng malakas na paputok na napulot ng dalawang bata sa Tondo, Maynila, na sumabog noong Linggo at naging sanhi ng pagkamatay ng isa at malubhang ikunasugat ng isa pa.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood sa CCTV camera ng Barangay 226 ang limang lalaki habang naglalakad sa Almeda Street dakong 2 a.m. ng Disyembre 28. Isa sa kanila ang may dala-dalang kulay green na eco bag.
Pagkarating ng grupo ng mga lalaki sa Yuseco Street, inilabas nila ang hindi pa matukoy na paputok. Mapanonood pa na pinahihinto nila ang ilang motorista para masindihan na ito.
Sa isang kuha, makikitang umusok ang paputok ngunit hindi ito nagtuloy sa pagsabog. Ilang saglit pa, kumuha ng tubig ang lalaking nagsindi nito saka isinaboy sa hindi sumabog na paputok na nasa kalsada.
Makaraan ang 15 minuto, naglabas ulit ng isang paputok ang grupo. Ngunit katulad ng nauna, hindi rin ito pumutok.
Dumaan ang mahigit 18 oras, makikita na ang 12-anyos na biktimang si Cesar Russell Sarmiento na nagpapaputok rin sa kaparehong lugar.
Ayon sa barangay, nasita umano ang mga bata kaya sila umalis sa lugar. Hanggang sa tumatawid ng kalsada ang magkaibigan, bago huminto sa bangketa.
Hindi na gaanong nahagip sa CCTV pero sinabi ng barangay na doon na nila napulot ang paputok na sinindihan noon ng grupo ng mga kalalakihan, bago lumiko ang mga bata papunta ng A. Lorenzo Street.
“Tinabi doon sa gilid. Nu’ng gabi na, ‘yung mga bata nagpaputok sa kabilang side, nadaanan ‘yun, nakuha na. Tapos, mga pinagbabawalan sila dito, doon nila dinala sa bakante na walang sisita sa kanila,” sabi ni Chairman Lally Polintan ng Barangay 226.
Pasado 8 p.m. ng Disyembre 28 nang mahagip sa CCTV, si Russell at kaniyang kaibigan na pasan-pasan ang napulot nilang paputok sa Abad Santos Avenue, corner A. Lorenzo Street.
Ayon kay Pulintan, residente roon ang ilan sa mga lalaki pero dayo lang ang may dala ng paputok na galing umano sa Bulacan.
“Sinasabi sila, barkada nila ‘yun, nakapula, taga-Bulacan daw po ‘yun. ‘Yun daw po 'yung may dala ng paputok para mag-try kung malakas. Kaso, hindi naman siya pumutok,” sabi ni Pulitan.
Nasabihan na ang mga lalaki na pumunta sa pulisya at ibigay ang kanilang salaysay.
Nauna nang sinabi ng Manila Police District na posibleng managot ang mga taong nag-iwan ng paputok na ikinamatay ni Russell at ikinasugat ng kaniyang kaibigan.
Na-cremate na ang mga labi ng biktima samantalang naka-confine pa sa ospital ang kaibigan niya na 12-anyos din.
“May tama siya dito sa balikat. Tsaka ‘yun nga 'yung mata niya pinagagaling pa. Kasi talagang medyo nasunog din,” sabi ni Kagawad Cryon Reyes ng Barangay 223.
Siniguro naman ng mga awtoridad sa lugar na mas paiigtingin nila ang pagbabantay para maiwasan na ang ganitong klase ng insidente.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
