Patay ang isang inspector ng anti-smoke belching unit sa Makati matapos pagbabarilin ng riding in tandem nitong Martes ng umaga. Hinala ng mga awtoridad, posibleng ginantihan ang biktima ng isa sa mga nahuli nito. Pero iba naman ang hinala ng kaniyang ama na isang punong barangay.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, sinabing dakong 8:30 a.m. nang barilin ang biktimang si Joven Duallo, sa may Magallanes-Osmeña Highway, na sakop ng Barangay Bangkal.

Nagsasagawa umano ng smoke belching inspection ang biktima sa lugar nang biglang hintuan ng riding in tandem at tatlong beses pinaputukan ng kalibre 45 na baril.

Ayon sa Makati police, posibleng ginantihan ang biktima ng isa sa mga nahuli ng grupo.

Pero hinala ng ama ng biktima na si Jaime Duallo, chairman ng Barangay Pio del Oilar sa Makati, posibleng nadamay ang kaniyang anak kaugnay sa ipinatutupad niyang kampanya kontra-droga.

Bago raw binaril ang biktima, bumaba umano ang isa sa mga salarin at tiningnan ang ID ng biktima na tila umano tinitiyak na ito ang kanilang target.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring krimen. -- FRJ/KVD, GMA News