Malungkot na sinalubong ng isang pamilya ang Pasko matapos masawi ang kanilang padre de pamilya sa aksidente sa Tangalan, Aklan. Ang biktima, susunduin sana ang kaniyang anak na nagsimba nang mangyari ang trahedya.
Sa ulat ni Lyneth Mendoza ng Super Radyo Kalibo sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa national highway sa Barangay Tondog nitong Miyerkoles ng gabi.
Ayon sa pulisya, habang tumatawid ang 48-anyos na ama na nakasakay sa motorsiklo, nasalpok siya ng isang van.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima at nagtamo ng malubhang sugat sa ulo na kaniyang isinasawi.
Sa takot ng driver ng van, dumiretso ito sa pagtakbo at sumuko sa police station sa sumunod na bayan ng Ibajay.
Sa ngayon, nailipat na umano ang driver sa Tangalan police station para sa imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kaso laban sa kaniya.
Motorcycle rider na susunduin lang sana ang kanyang anak sa simbahan, patay matapos mabangga ng van sa Brgy. Tondog sa Tangalan, Aklan. | via Lyneth Mendoza, Super Radyo Kalibo pic.twitter.com/O9fWVYvXeK
— DZBB Super Radyo (@dzbb) December 25, 2025
--FRJ GMA Integrated News

