Hinalay at pinagnakawan pa umano ang isang babae matapos na makipagkita sa isang sementeryo sa Bulacan sa lalaking ilang araw pa lang niyang nakikilala sa social media.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing pumayag ang biktima na makipagkita sa salarin na nakilala niya sa pangalang "Exia Ric" dahil nag-alok daw ito sa biktima ng tulong pinansiyal.

Nang magkita sa kaniyang tagpuan sa isang sementeryo, tinutukan umano ng salarin ng screw driver ang biktima, at wala nang nagawa ang babae kung hindi sumunod sa mga gusto ng lalaki.

Ginawa umano ng biktima ang mga mahahalay na iniutos ng lalaki at pagkatapos ay kinuha pa ang natitira niyang pera.

Nakahingi naman ng tulong ang biktima sa isang tauhan ng punerarya para makapagsumbong sa pulisya ng Norzagaray.

Ipinakita naman ng biktima ang larawan ng salarin sa social media account nito pero nabigo ang mga awtoridad na mahanap ang lalaki.

Aminado ang biktima sa kaniyang pagkakamali nang kaagad nagtiwala sa lalaking ilang araw pa lang niyang nakikilala sa pamamagitan ng chat.

Patuloy na pinaghahanap ang salarin. -- FRJ, GMA News