Sugatan ang isang tanod matapos pumasok ang dalawang lalaki sa loob ng isang barangay hall sa Pasay City at sunod-sunod na nagpaputok ng baril. Ang isa sa mga salarin, hinihinalang nakunan sa CCTV ilang oras bago mangyari ang insidente.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, makikita sa video footage ang pagpasok ng dalawang lalaki sa barangay hall ng Barangay 190 sa Pasay City nitong Martes ng madaling araw.

Hindi makikilala ang mga salarin dahil may takip ang kanilang mga mukha.

Ilang saglit lang, lumabas na ng gate ng barangay hall ang dalawa at nagpapaputok ng baril ang isa sa kanila.

Ayon sa isang tanod, umakyat ang dalawa sa ikalawang palapag ng opisina ng punong barangay na si Alma Pichay, at kaagad nagpaputok ng baril.

Pagbaba umano ng mga salarin, muling nagpaputok ang mga salarin, bago tuluyang tumakas. Nadaplisan sa noo ang isang tanod na kaagad na dinala sa ospital.

Nagtamo ng mga tama ng bala ang pinto ng tanggapan ng punong barangay na tumagos sa pader at sofa. Nagkabasag-basag din ang salaming pintuan ng barangay hall.

Laking pasasalamat na lang mga tauhan sa barangay na walang napuruhan sa kanila. Hinala nila, may kinalaman sa kampanya ng barangay kontra-droga ang insidente.

POSIBLENG SUSPEK, NAHULI-CAM

Kaugnay nito, isang kotseng asul na ilang beses na dumaan sa lugar na sisitahin sana ng mga imbestigador ang tumakas at may inihagis na baril.

Nakita kinalaunan ang kotse na inabandona at isinasailalim na sa imbestigasyon, pati na ang baril na itinapon para alamin kung may kinalaman ito sa pamamaril sa barangay hall.

Kasama ring inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng isang lalaking sakay ng motorsiklo na nakunan sa CCTV  na pumwesto sa tapat ng barangay nitong umaga ng Martes.

Kapansin-pansin ang tila pagkakapareho ng suot ng lalaki sa motorsiklo sa suot ng isa sa dalawang lalaki na namaril sa loob barangay hall.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. -- FRJ/KVD, GMA News