Nakakuha ang GMA News ng larawan ng piraso ng papel na sinasabing tinangkang itago at isubo ni Vice Mayor Nova Parojinog-Echavez nang salakayin ng mga awtoridad ang kanilang bahay sa Ozamiz City noong Linggo.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita ang sulat na may mga punit ang tila mga kuwenta ng transaksyon.
Mababasa ang salitang 'COA Dress', 'Dept. Heads', at 'Additional Food (pack lunch) for schools.'
Nauna nang sinabi ni Ozamiz City police Chief Inspector Jovie Espenido na ang papel ay naglalaman umano transaksyon sa droga.
Pero ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Parojinog, maipapaliwanag sa korte ng kaniyang kliyente ang mga nakasulat.
"May konteksto ang kabanata na 'yan at dapat ipaliwanag ang konteksto, pero naipaliwanag po sa amin 'yan ng aming kliyente" ani Topacio.
Matatandaan na nakita sa video nang salakayin ang bahay ng bise alkalde na may kinuha ito sa isang supot na sinusuri ng mga awtoridad at biglang itinago sa kamay at tila isinubo.
Sinalakay ang mga bahay ng mga Parojinog sa bisa ng search warrant para umano sa mga armas.
Napatay sa naturang operasyon ang 16 katao kabilang si Mayor Reynaldo Parojinog, asawa nitong si Susan, kapatid na si Provincial Board Member Octavio Parojinog, kapatid na si Mona, at ang pamangkin na si Daryl, na pumanaw sa ospital. —FRJ, GMA News
