Nagsagawa ng mga pag-atake ang Amerika at Israel laban sa Iran ngayong Sabado, na nagdala ng panibagong sigalot sa Gitnang Silangan. Ayon kay US President Donald Trump, layunin ng pag-atake na wakasan ang banta sa seguridad ng Amerika at bigyan ng pagkakataon sa mga Iranian na magkaroon ng pagbabago sa kanilang gobyerno.

Kasunod ng pag-atake, nagpalipad ang Iran ng mga missile patungo sa Israel, ayon sa militar ng Israel, habang tinawag naman ng Pentagon na “Operation Epic Fury” ang ginawang pag-atake ng US sa Iran.

Ang panibagong komprontasyon ng Iran at mga bansa na matagal na nitong kalaban ay nagbabanta na lalo pang magpapahina sa pag-asa ng mapayapang solusyon kaugnay sa sigalot ng Tehran at Western countries tungkol sa nuclear program ng Iran.

Sa mensahe ni Trump, hinimok niya ang mga Iranian na magtago dahil “bombs will be dropping everywhere.” Gayunman, sinabi rin niya: "When we are finished, take over your government. It will be yours to take. This will be probably your only chance for generations.”

Sinimulan ng militar ng US ang serye ng mga pag-atake laban sa mga target sa Iran, ayon sa dalawang opisyal ng US na nakausap ng Reuters sa kondisyong hindi sila papangalanan. Hindi pa agad malinaw ang lawak ng mga isinagawang operasyong panghimpapawid at pandagat.

Inaasahang tatagal ng ilang araw ang kampanya, ayon sa isang opisyal ng US.

Naghahanda naman ang Iran sa kanilang pagganti, sabi sa Reuters ng isang Iranian official.

Bago nito, malaking puwersa ng US military ang ipinuwesto sa Gitnang Silangan upang pilitin ang Tehran na makipagkasundo sa nuclear talks. Sinabi niyang naglunsad ang US ng “malakihan at nagpapatuloy” na operasyon laban sa Islamic Republic, at nangako na titiyakin nito na hindi magkakaroon ng nuclear weapon ang Tehran.

Isa sa mga pangunahing usapin sa negosasyon ang programang ballistic missile ng Iran. Sinabi ni Trump na gumagawa ang Iran ng mga long-range missile na banta sa US.

"Our objective is to defend the American people by eliminating imminent threats from the Iranian regime," ani Trump.

Sinabi naman ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na ang joint US-Israeli attack sa Iran,  "will create the conditions for the brave Iranian people to take their destiny into their own hands."

"The time has come for all sections of the people in Iran... to remove the yoke of tyranny from (the regime) and bring a free and peace-loving Iran," saad ni Netanyahu sa isang pahayag.

Ayon sa isang source Reuters, wala sa Tehran ang supreme leader ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei, at inilipat sa mas ligtas na lugar. – mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News