Nagsumite ng kaniyang courtesy resignation si Customs Import Assessment Service Director Milo Maestrecampo matapos siyang mapabilang sa mga opisyal ng ahensiya na inakusahang tumatanggap umano ng "lagay" para makalusot ang mga ipinupuslit na produkto.

Sa ulat ng GMA News "QRT" nitong Martes, sinabing nagbitiw si Maestrecampo sa ngalan ng "delicadeza" dahil nasa ilalim ng kaniyang pamamahala ang tanggapan na sinasabing tumanggap ng lagay para payagan ang pagpasok ng kargamento na sinasabing naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon.

Sa pagdinig ng Kamara de Representantes nitong Lunes, kabilang si Maestrecampo sa ilang opisyal at kawani ng Bureau of Customs na binanggit ng customs "fixer" na si Mark Taguba na tumanggap umano ng kaniyang lagay.

Binigyan ng komite ng legislative immunity si Taguba para hindi makasuhan sa kaniyang mga isisiwalat. Itinanggi rin niya ang anumang nalalaman tungkol sa iligal na droga.

Sinabi naman ni Maestrecampo na hindi siya nagbitiw dahil sa akusasyon ni Taguba pero naniniwala siya na nagamit ang kaniyang pangalan at tanggapan.

Hinala rin ng nagbitiw na opisyal, pinuwersa si Taguba para isama ang kaniyang pangalan.

BASAHIN: Ilang kongresista, dismayado sa 'di pagsipot ni Faeldon sa Kamara dahil sa 'dental emergency'

Bukod kay Maestrecampo, tinukoy din ni Taguba sa pagdinig sina Customs deputy commissioner Teddy Raval, Manila International Container Port (MCIP) district collector Vincent Maronilla, MCIP Customs Intelligence and Investigation Service district intelligence officer Teodoro Sagaral, CIIS director Neil Estrella, isang Maita at isang Jayson.

Pawang itinanggi ng mga nabanggit na opisyal ang akusasyon ni Taguba.

Sa pagdinig sa Kamara nitong Lunes, sinabi ni Maestrecampo na, "I can probably be a rebel, but I'm not a thief."

Ang tinutukoy ng opisyal na dating militar ay ang pagkakasama noon sa 2003 Oakwood Mutiny. — FRJ, GMA News