Isang babaeng Korean ang nabiktima na naman ng mga kawatan na nakamotorsiklo sa isang lugar sa Maynila, na kamakailan lang ay naibalita na may babaeng sinaktan at hinoldap ng mga pinaniniwalaang menor de edad.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang CCTV footage sa barangay na nakasasakop sa Balagtas Street na malapit sa boundary ng Maynila at Pasay City, kung saan nabiktima ang babaeng Korean.

Sa video, makikita ang biktima na naglalakad sa gilid ng kalsada nang biglang dumating ang dalawang salaring nakamotorsiklo at sabay hablot sa kaniyang bag.

Hinabol pa ng biktima ang mga salarin pero hindi na niya inabutan dahil sa mabilis na takbo patungo sa direksyon ng FB Harrison.

Inaalam pa umano ng pulisya kung anu-ano ang nawala sa biktima.

Hindi naman nakilala ang mga salarin dahil pawang nakasuot ng helmet at walang plaka ang motorsiklo.

Ang punong barangay na si Jimmy Adriano, nalulungkot at nababahala sa nangyari at nanawagan ng police visibility sa kanilang lugar.

Kamakailan lang, naipalabas din sa "24 Oras" ang panghoholdap ng mga menor de edad na nakamotorsiklo sa isang babae na nangyari sa halos iisang lugar.

Sinabi naman ng Manila Police District na nakikipag-ugnayan na sila sa barangay para kanilang kahilingan at imbestigahan ang pangyayari. -- FRJ, GMA News