Umabot na sa anim ang napaulat na bilang ng mga nasawi dahil sa epekto ng Habagat (Habagat), at mga bagyong Luis at Maymay, ayon sa Office of Civil Defense nitong Sabado.
"In terms of casualties, mayroon na tayong bina-validate na 6. Dalawa sa Rodriguez, Rizal; dalawa sa Benguet, at mayroong dalawa sa La Union," sabi ni OCD Deputy Administrator and Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV sa isang panayam sa Dobol B TV.
Mayroong pitong naiulat na sugatan sa Benguet na kasalukuyan pang bineberipika, ayon sa kaniya.
"Tuloy-tuloy pa rin nating nararanasan ang Southwest Monsoon lalo na sa norte, sa Ilocos Sur, La Union, Abra, Benguet and parts of Region 3, even hanggang Mindoro," ani Alejandro.
"As of this morning, mayroon na tayong 74,800 families or 261,000 persons na apektado sa weather system na ito," dagdag niya
Mayroong 2,500 pamilya ang nasa 83 evacuation centers habang mahigit 2,200 indibiduwal ang nananatili sa labas ng mga evacuation centers, ayon sa opisyal ng OCD.
"Nagbibigay tulong tayo in terms of making sure na ma-evacuate 'yung mga nasa river tributaries (sa Pangasinan) dahil tuloy-tuloy ang pagbaba ng tubig galing sa mga bundok sa CAR... Tuloy-tuloy pa ang pag-uulan. Hindi tayo titigil sa pagbibigay ng ayuda doon at pagmo-monitor," sabi ni Alejandro.
Kaugnay naman ng mga pagbaha, 63 na lugar ang naiulat na binaha. Karamihan sa mga ito ang nasa Region 1 at 3 at sa ilang bahagi ng Calabarzon. Hindi pa rin madaanan ang ilang bahagi ng kalsada dahil sa pagbaha.
Napaulat din ang mga pagguho ng lupa sa Region 1 at sa Cordillera Administrative Region (CAR), ani Alejandro.
"'Yung mga may balak na pumunta ng Baguio at Cordillera, hindi pa advisable na umakyat kasi may mga landslide at rockslide sa Benguet," sabi niya.
"In terms of damage naman, 120 houses ang reported na damage sa Region 1, CAR at Region 3," dagdag niya.
Nagkansela ng mga biyahe sa dagat ang 13 daungan sa Regions 1, 3, 5, at MIMAROPA, ayon sa opisyal ng OCD.
Samantala, sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na namahagi ito ng tulong pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng landslide sa Benguet at rockslide sa Rizal na dulot ng mga pag-ulan mula sa bagyong Maymay at ng pinalakas na Southwest Monsoon, o Habagat.
Dalawa katao ang patay at isa pa ang malubhang nasugatan matapos tumama ang landslide sa isang kainan sa Barangay Shilan, La Trinidad, Benguet, noong Agosto 6.
Sa Rodriguez, Rizal, dalawa katao ang patay matapos ang pag-ulan ng monsoon na nagdulot ng rockslide na tumama sa ilang bahay sa Barangay Wawa noong Miyerkules, Agosto 5.
Makararanas ng mga pag-ulan ang Luzon at Visayas sa loob ng susunod na 24 oras dahil sa Southwest Monsoon (Habagat), ayon sa PAGASA nitong Sabado ng umaga.
Magpapatuloy ang mga pag-ulan dulot ng Habagat hanggang sa susunod na linggo, ayon sa state weather bureau.
Lumabas na sa kalupaan ng Pilipinas ang Tropical Depression Maymay noong Huwebes ng hapon, humina at naging low pressure area noong Agosto 7.
Samantala, nawala naman ang tropical depression na si Luis noong Agosto 4. —Jamil Santos/VBL GMA News

