Isang babaeng high school student ang hinalay umano ng isang mas nakatatandang lalaki na nakilala lamang niya sa Luneta Park noong Hulyo.
Sa ulat ni Mav Gonzales, ikinuwento ng ina ng bata na nakatambay ang kanyang 16-anyos na anak at kaibigan nito sa Luneta Park noong July 14 ng umaga.
Habang nagkukuwentuhan ang dalawang dalagita, isang matandang lalaki ang lumapit sa kanila at nakipag-usap.
"Pagdating nila doon may lumapit na lalaki. In-approach sila. Mabait naman daw. 'Di naman nila akalain na ganun kasi parang bakla daw ang salita pati kilos," ayon sa ina ng dalagita.
Sa kuha ng isang CCTV camera, nakita ang lalaki at dalawang dalagita na sumakay ng jeep sa kahabaan ng Maria Orosa Street.
Bandang 10 ng umaga, nakita rin sa isang CCTV camera ang pagdating ng matandang lalaki at dalawang dalagita sa isang mall sa Mandaluyong City.
Sa naturang mall, binilhan ng lalaki ang dalagita ng pantalon at damit dahil nakauniporme pa ito.
Iniwan ng dalawa ang kaklase ng dalagita sa isang kainan.
Sa puntong ito na dinala ng lalaki ang dalagita sa isang hotel malapit sa mall at doon umano siya hinalay.
Sumama rin pabalik ang dalagita sa mall makalipas ang oras at pinuntahan ang kaibigan niya.
Ayon sa dalagita, inaya din ng lalaki ang kanyang kaibigan.
Sinabi ng ina ng dalagita na parang nawala siya sa sarili habang kausap ang matandang lalaki.
Nang makaalis na ang lalaki at ang kanyang kaibigan ay doon na lamang aniya siya nagkaroon ng ulirat at saka nagsumbong sa pulis.
Sa medical exam ng bata, nakumpirmang ginahasa siya. Ang kaklase naman niya hinipuan na ng matandang lalaki at ninakawan pa ng cellphone at ibang gamit.
Humihingi ngayon ng tulong ang dalagita at ang kanyan ina upang makilala at maaresto ang lalaki.
Ayon sa ina ng bata, hindi na pumapasok ang kanyang anak at ayaw na rin lumabas ng bahay dahil sa trauma.
Sa mga makakakilala sa lalaki, maaaring magsumbong sa Mandaluyong City Police Station at tumawag sa numerong 532-5001 local 651. —ulat Mav Gonzales/ALG, GMA News
