Nakabalik na sa Quezon City ang bride-to-be na si Sherra de Juan matapos mawala ng halos tatlong linggo at matagpuan sa Sison, Pangasinan.

Sa ulat ng Balitanghali, sinabing inihatid ng Quezon City Police si Sherra sa kaniyang bahay pasado 1 a.m. nitong Martes.

Sa kahilingan ng pulisya, hindi na ipinakita pa ang babae.

Sinundo si Sherra ng kaniyang kapatid at fiancé sa Sison, Pangasinan kung saan siya natagpuan.

Batay sa salaysay sa kanila ng bride-to-be, nagkamalay na lang siya sa isang kalsada at naglakad hanggang makarating sa bayan ng Sison.

Ayon pa sa babae, may nakita siyang matandang lalaki na kahawig ng kaniyang ama nitong Lunes. Doon na siya humingi ng tulong at tinawagan ang kaniyang cellphone na hawak ng kaniyang fiancé.

Batay sa panayam ng Unang Balita sa Unang Hirit, inilahad ng Quezon City Police na maayos naman ang pisikal na kondisyon ng babae.

Patuloy nang inaalam ng QCPD kung paano nakapunta ang bride-to-be sa Pangasinan.

Hindi na muna nagbigay ng panayam ang mga magulang ni Sherra.

“Hindi pa masyadong maidetalye kung ano talaga ang nangyari sa kaniya... Ang hiling po kasi niya is magpahinga muna siya. Wala naman daw po siyang ibang nararamdaman, medyo nanghihina lang siya at gusto niyang magpahinga,” sabi ni Police Major Jennifer Gannaban, PIO Chief ng Quezon City Police District.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News