Nakunan sa closed-circuit-television camera ang ginawang pamamaril ng isang lalaking nakamotorsiklo sa isang negosyanteng Chinese sa Tondo, Maynila nitong Huwebes ng gabi.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, makikita sa CCTV ang pagdating ng biktimang si  Willy Liu, na sakay ng SUV sa A. Rivera Street sa Tondo dakong 7:00 p.m.

Nakasalubong pa niya ang salarin na nakasakay sa motorsiklo, na bumuwelta pabalik nang makitang nagparada sa gilid ng kalsada si Liu kasama ang kasosyo sa negosyo.

Nang bumaba sa sasakyan si Liu, doon na siya pinagbabaril ng salarin kahit bumagsak na sa semento ang biktima.

Bumaba pa ng motorsiklo ang suspek para paputukan naman ang kasosyo ng biktima pero hindi tinamaan.

Dinala sa ospital si Liu pero binawian din ng buhay.

Ayon sa barangay, wala sa drug watchlist nila ang mga biktima, at wala rin daw reklamo sa mga ito.

Bagaman matagal na sa lugar, hindi raw alam ng punong barangay kung ano ang negosyo ng biktima.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng salarin at ano ang motibo sa pamamaril. -- FRJ, GMA News