Sa harap ng pagkamatay ng isang high school student sa drug operation sa Caloocan City, tiniyak ng Malacañang nitong Biyernes na hindi umano kukunsitihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pang-aabuso ng mga pulis.
Sa ginanap na Mindanao Hour briefing, tinawag ni presidential spokesperson Ernesto Abella na "isolated" ang nangyaring pagkamatay ni Kian Loyd delos Santos, 17-anyos.
Ayon sa mga pulis, napatay si Delos Santos dahil tumakbo at nanlaban sa pulis noong Miyerkules ng gabi.
May nakuha umano sa kaniya na isang baril at dalawang sachet na may laman na hinihinalang shabu.
Pero ayon sa mga residente at kamag-anak, sadyang pinatay si Delos Reyes.
May kuha rin sa CCTV camera na makikita si Delos Reyes na buhay na bitbit ng mga pulis.
BASAHIN: Kaanak ng menor de edad na napatay ng mga pulis, 'di naniniwalang nanlaban ang binata
Itinanggi rin ng kaniyang mga kaanak na gumagamit ng droga ang biktima.
Ayon kay Abella, hindi palalampasin ni Duterte ang mga abusadong pulis kahit pa ilang beses nang nangako ang pangulo na poprotektahan niya ang mga pulis na nagsasagawa ng kampanya laban sa droga.
"I cannot assume what the President thinks but what we can say with confidence is that those who are guilty of breaking the law [or]misuse or abuse [it] will have to answer for that," ayon sa opisyal.
"He will defend the police in their carrying out of their duties. However, he will also not tolerate any abuse and breaches of the law," dagdag ni Abella.
Inalis na sa puwesto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde ang tatlong pulis na sangkot sa pagkamatay ni Delos Reyes habang isinasagawa ang imbestigasyon sa nangyari.
"Unang-una kahapon pa po pagkakita natin sa news diyan ay pina-relieve ko na 'yung tatlong pulis na involved plus the PCP commander immediately 'pag kita po natin," anang opisyal.-- FRJ/KVD, GMA News
