Isang pulis ang pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad matapos na ireklamo ng pagpapaputok ng baril sa kanilang lugar sa Tondo, Maynila nitong Lunes ng gabi.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang inirereklamong pulis na si Police Officer 1 Robert Cabudoy Jr., nakatalaga sa Blumentritt-police community precinct .
Ayon sa nagrereklamong si Chester Sombillo, matagal na raw may alitan ang kinakasama niyang si Aubrey Martinez at kapatid nito, na kinakasama naman ng pulis.
Hanggang nitong Lunes, sinabi ni Martinez nagsimula ang tensyon nang magbiro si Sombillo na ikinagalit ng kaniyang kapatid at kinakasama nitong pulis.
"Ang sabi nung kapatid kong bunso sa dyowa ko, 'Tay, linisin na natin yung motor.' Sagot ng dyowa ko, 'Huwag na baka mabaril ako dyan.' Ngayon, nag-react yung kapatid kong babae, nagmura na, nagwala. Dun na uli kami nagkaroon ng issue, [tinatanong namin], 'Ano bang problema n'yo sa 'min na wala kaming ginagawa?," kuwento ni Martinez."
Matapos nito, bumunot daw ng baril si Cabudoy at nagsimulang magpaputok.
Agad na tumakas si Cabudoy at ang kinakasama niya matapos ang insidente.
Nahaharap sa kasong grave threat at illegal discharge of firearms si Cabudoy na pinaghahanap na ngayon. —Jamil Santos/FRJ, GMA news
