Humantong sa krimen ang pagseselos ng isang mister sa Caloocan City nang mapatay sa saksak ang kaniyang misis na nakitaan umano ng "kiss mark" sa leeg. Ang krimen, nakita pa raw ng dalawa nilang anak.
Sa GMA News "QRT" report ni Marisol Abdurahman nitong Martes, sinabing umiiyak na nagsisisi si Roque Porton dahil hindi raw niya sinasadyang mapatay ang kaniyang asawang si Joana.
Nagdilim daw ang kaniyang paningin nang mag-away sila ng kaniyang misis nang makita niya na mayroon umano itong kiss mark sa leeg.
Dati na umanong naghihinala si Roque na nagtataksil sa kaniya ang asawa kaya nais niyang makuha na lang ang dalawang anak.
Ikinuwento naman ni Bernadette Cordova, kapitbahay ng mga biktima, na madalas na maikwento ni Roque na nag-aaway silang mag-asawa dahil sa selos.
Nitong Lunes ng gabi, nakita raw ni Cordova na duguan ang suspek at sinabihan siya na tingnan ang kanyang asawa sa kanilang bahay na baka buhay pa.
Nang umakyat si Cordova sa bahay ng mag-asawa, nakita niya si Joana na duguan ang dibdib.
Kaagad daw na tinawag ni Cordova ang kapitbahay nilang pulis na si SPO1 Freddy Dangle, na siyang nakahuli sa suspek.
Matapos maaresto, agad dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya.
Inirekomenda ng pulisya na ilagay muna sa pangangalaga ng DSWD ang dalawang bata para sumailalim sa stress debriefing matapos masaksihan ang krimen. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
