Mapangahas ang ginawang pagpatay ng mga salaring nakamotorsiklo sa isang lalaking "barker" na binaril sa kalye kahit maliwanag at maraming tao sa Maynila. Ang lugar na pinangyarihan ng krimen, malapit din lang sa presinto ng pulis.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras," kinilala ang biktima na si Alfredo Halili, 37-anyos, nagtatawag ng pasahero o "barker,"  sa JP Rizal corner Zapote Street sa nasabing lungsod.

Sa kuha ng closed-circuit-television camera, makikita ang biktima na nakatayo sa gilid ng kalsada. Hindi nagtagal, dumating naman ang dalawang salarin na nakasakay sa isang motorsiklo.

Tumigil ang motorsiklo sa kabilang bahagi ng kalye habang bumaba ang angkas nito at naglakad patungo sa kinaroroonan ng biktima.

Ilang saglit pa, binaril na ng salarin ang biktima na bumagsak sa kalsada at pinaputukan muli ng salarin bago tumakas.

Walang maisip na dahilan ang mga kaanak para patayin ang biktima.

"Yung kapatid ko po may diperensya sa pag-iisip 'yan. Bigla-bigla na lang akala mo may kaaway. Siguro napagkamalan, akala siya na," ayon sa kapatid ng biktima.

Ngunit ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis, dati na raw nasangkot sa iligal na droga ang biktima.

"Mayroon kaming nare-receive na information na involved siya sa drugs, sa mga ibang krimen na kinakasangkutan niya. Actually sabi nga, nakulong na ito," ayon kay Police Chief Inspector Roman Salazar, CID Chief ng Makati PNP.

Pero giit ng kapatid ng biktima, "Sa akin lang kumukuha ng pagkain yan e. Kakainin niya di alam kung saan kukunin, gagamit pa siya [ng droga]?"

Nabahala rin ang kapatid dahil tila sanay nang gumawa ng krimen ang mga suspek dahil maliwanag pa nang paslangin ang biktima at hindi kalayuan sa isang presinto ng pulis.

Agad naman daw nakaresponde ang mga pulis nang malaman ang pangyayari, at patuloy na sila sa kanilang imbestigasyon.

Iniimbestigahan din kung may kaugnayan ang pamamaril kay Halili sa mga pagpatay ng riding-in-tandem sa ibang lugar.

"Hindi natin matiyak kung meron talagang gumagalang ganon na kriminal na pumapatay ng adik," ayon kay Salazar. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News