Nakunan sa closed-circuit-television camera ang ginawang paghablot ng isang lalaki sa cellphone ng isang estudyante sa Santa Ana, Maynila. Pero kahit nahuli-cam siya, todo tanggi ang lalaki sa krimen nang maaresto.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkules, ipinakita sa CCTV na nangyari ang insidente sa isang mataong lugar sa Zafiro Street ng nasabing distrito.
Makikitang napaupo pa sa kalsada ang estudyante matapos hablutin ng lalaki ang kaniyang cellphone, na kinalaunan ay nakilalang si Joven Vuloso.
Nang humingi ng tulong ang menor de edad na estudyante sa Barangay hall ng 765 Zone 83, sinuri ang kuha sa CCTV at doon na natukoy ang pagkakakilanlan ng salarin na si Vuloso.
"Ni-review namin 'yung CCTV, dun namin nakita at nakilala yung suspek. Pumasok lang daw sa isang bahay na napag-alaman na nandun siya. So pinuntahan na siya ng ating mga barangay officials," ayon kay Juan Basarres, kagawad ng barangay.
Sa follow-up operation na isinagawa ng mga pulis, naaresto si Vuloso, ngunit hindi na nabawi sa kaniya ang ninakaw na cellphone.
Itinanggi pa rin niya ang ginawang krimen kahit nakita siya sa CCTV.
"Nagulat na lang ako na hinuli ako. Galing ako dun sa pagtaya ko ng karera," katwiran niya.
Mahaharap ang suspek sa kasong robbery snatching in relation to R.A. 7610 o anti-child abuse dahil menor de edad ang biktima. —Jamil Santos/FRJ, GMA News
