Nagtamo ng tatlong saksak sa dibdib ang isang pulis-Caloocan nang sugurin siya ng lalaking armado ng patalim na kaniyang pinapasuko kahit tinutukan na niya ng baril.  Napatay din ng pulis ang lalaki para isalba ang kaniyang buhay.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing rumesponde ang mga pulis na kinabibilangan ni Police Officer 1 Ronald Anicete sa Interior Masikat Street sa Caloocan City nitong Linggo ng umaga dahil sa sumbong na palakad-lakad at may dalang patalim si Alyas Cesar.

Sa CCTV camera, makikita ang nakasibilyan na si Anicete na armado ng baril na itinutok kay Cesar at kinausap na sumuko at bitawan ang patalim.

Pero sa halip na sumuko, bilang sinugod ni Cesar ang pulis na napaatras at natumba.

Doon na inundayan ng saksak ni Cesar sa dibdib si Anicete.

Nang masipa ng pulis si Cesar at magkaroon ng pagkakataon, pinaputukan niya ang lalaki na ikinamatay nito.

Isinugod naman si Anicete ng mga kasamahan sa ospital at sinabing "stable" na ang lalagay nito.

Ayon sa isang residente, nagkaroon ng problema sa pag-iisip si Cesar matapos umanong hiwalayan ng asawa.

Nitong nakaraang linggo, iniutos ng liderato ng National Capitol Regional Police Office na papalitan ang buong puwersa ng pulis-Caloocan dahil sa pagkakasangkot ilang pulis sa kontrobersiya tulad ng pagpatay at pagpasok sa mga bahay ng walang search warrant.-- FRJ, GMA News