Malubha ang lagay ng isang babaeng may kapansanan matapos siyang mabundol ng isang sasakyan habang naglalakad sa bangketa sa Commonwealth Avenue sa Barangay Old Balara, Quezon City.

Sa report sa "Unang Balita" ng GMA News ni Cesar Apolinario nitong Martes, sinabing bibili lang ng tinapay ang biktimang may polio na si Katherine Lovitania, nang mangyari ang insidente.

Sa kuha ng closed-ciruit-television camera, makikita na naglalakad si Lovitania sa bangketa nang biglang lumihis ang takbo ng isang kotse, sumampa sa bangketa ang nahagip ang biktima.

Tumilapon si Lovitania sa lakas ng pagkakabangga sa kaniya at humampas pa umano sa semento.

"Nang nangyari ang insidente, napakaluwag ng daanan. Tingin ko nakatulog [yung driver]," ayon kay chairman Allan Franza.

Sa salaysay ng drayber ng sasakyan, may iniwasan daw siyang mga harang sa kalsada kaya siya napunta sa direksyon ng biktima.

Pero hindi naniniwala rito ang mga awtoridad dahil makikita umano sa CCTV na maluwag at walang nakaharang sa lugar.

Sinabi ng pamilya ng biktima na kailangang operahan si Lovitania dahil sa tinamong pinsala sa utak dulot ng pagkakabangga sa kaniya.

"Sabi ng neurosurgeon, four parts of her brain ang na-damage, massive hemorrhage, siyempre nalungkot kami," ayon kay Maya Feria, ninang ng biktima.

Nagkaroon ng kasunduan ang pamilya ng biktima at ang driver na babayaran niya ang mga gastusin sa ospital hanggang sa gumaling ang biktima, kasama ang mga suweldo nito sa trabaho sa mga araw na hindi papasukan. -- Jamil Santos/FRJ/KVD, GMA News