Usap-usapan ngayon sa social media ang video ng isang babae na nakikipagtalo sa driver ng ambulansya matapos daw siyang duruin nito habang pinapatabi ang kanyang sasakyan.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa harap ng Philippine Children's Hospital.
Makikita sa video na idinidiin ng babae na hindi raw tama na duruin siya.
"Meron pong blinker po 'yan ma'am," paliwanag ng driver ng ambulansya.
"Hindi kasi namin nakita ng kasama ko, pero hindi mo ako kailangang iduro-duro," sagot naman ng babae.
Depensa ng driver, pinaaatras niya lang ang sasakyan ng babae dahil nakaharang ito sa daan, at agaw-buhay ang batang kanyang sakay.
Sinabi sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code na lahat ng pribado o pambublikong sasakyan ay kinakailangang magbigay ng daan para sa emergency vehicles gaya ng ambulansya at fire trucks.
Tumanggap naman ng iba't ibang reaksyon ang video sa social media.
Wala pang pahayag ang babae na nakunan sa video. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
