Nasawi ang isang 70-anyos na lolo at kaniyang walong-taong-gulang na apo matapos na bumagsak sa kanilang tinitirhan ang isang container truck na nalaglag mula sa flyover sa Maynila nitong Miyerkules ng hapon.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo GMA News "24 Oras," sinabing nahulog ang container truck mula sa Padre Jacinto Zamora interlink pababa sa kalsada ng Tomas Claudio sa Pandacan, Manila, dakong 3:00 p.m. nitong Miyerkules.

Kinilala ang mga biktima na sina Danny Baltazar, at kaniyang apo na si John Dave Baltazar. Naging pahirapan ang pagkuha sa maglolo dahil sa pagkakadagan ng malaking trak sa kanilang bahay.

Gumamit pa ng crane ang mga rescuer para maiangat ang container truck. Matapos ang mahigit isang oras, nailabas din ang kanilang mga katawan.

Isang kaanak din ng mga biktima ang nasaktan, at isa pa nilang kapitbahay.


Ayon kay lola Juanita Baltazar, asawa ni Danny, iniwan niya ang mag-lolo na naglalambingan sa bahay nang biglang maganap ang trahediya.

"Parang lumindol. At saka ako lumabas. Pagkatapos ngayon, nakita ko sabi ko, 'Ay naku Diyos ko!' Tumbok pala sa bahay namin. Tumakbo na ako, tapos hindi ko na na-ano asawa ko doon," kuwento ni Juanita, na humingi ng hustisya para sa mga biktima.

Nasugatan naman ang driver ng truck na si Reynaldo Acosta at kanyang pahinante.

"Mag-apply ako ng preno, hindi na po kumagat ma'am, dalawang beses nga po akong nag-apply ma'am eh. Mabagal lang po kami sir dahil traffic po eh. Nu'ng kakabigin ko na, nawalan na ng kontrol. Pasensya na po at hindi ko naman po kasalanan 'yung nangyari. Aksidente po," paliwanag niya.

Iniimbestigahan naman ng pulisya kung totoo ang sinasabi ng driver, at aalamin nila kung mabilis ang takbo ng trak bago mahulog. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News