Habang tinatakasan ng mga Pilipinong guro sa nangyayaring kaguluhan sa Mddle East, pinabibilis naman ng Department of Education (DepEd) ang kanilang reintegration program para muli silang makapagturo sa Pilipinas. Sa pamamagitan ito ng pagbibigay ng oportunidad sa mga nagbabalik na mga OFW sa trabaho man, tulong pinansyal, at maging suporta sa edukasyon para sa kanilang mga anak.

Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ng DepEd na pinangungunahan nito ang reintegration initiatives para sa mga gurong overseas Filipino worker (OFW) na naapektuhan ng krisis sa rehiyon, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.

Binigyang-diin ni DepEd Secretary Sonny Angara, na hindi pababayaan ang mga nagbabalik na guro na harapin nilang mag-isa ang transisyon, habang nagsisikap ang pamahalaan na gawing mas maayos at mas mabilis ang mga sistemang sumusuporta sa kanila sa ilalim ng Bagong Pilipinas Bayanihan Para sa Balikbayang Manggagawa National Reintegration Network and Job Fair.

“Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Bongbong Marcos, hindi namin kayo hahayaang mag-isang harapin ang mga hamong ito habang sinisikap naming gawing mas simple, mas mabilis, at mas madaling maabot ang proseso ng SPIMS,” ayon kay Angara.

Sentro ng inisyatiba ang programang Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir (SPIMS), na nakattuulong sa 11,056 lisensyadong guro na makabalik sa pagtatrabaho mula sa ibang bansa patungo sa pampublikong sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Ayon sa datos mula sa Department of Migrant Workers, 8,047 guro ang nakatanggap ng tulong pinansyal sa ilalim ng programa, habang 521 naman ang nabigyan ng online refresher courses, mga hakbang na nagpatibay sa SPIMS bilang isa sa pangunahing mekanismo ng pamahalaan para sa reintegrasyon ng mga OFW.

Sa isinagawang job fair, nag-alok din ang DepEd ng on-site registration para sa Accreditation and Equivalency (A&E) tests para sa mga nagbabalik na manggagawa na nais pang magpatuloy ng pag-aaral, gayundin ang Philippine Educational Placement Test (PEPT) para sa kanilang mga anak.

Kasama rin sa karagdagang suporta ang access sa Senior High School Voucher Program para sa mga mag-aaral na nagpapatuloy sa pribadong paaralan, 720 na slot sa ilalim ng Teacher Education Scholarship Program para sa mga kwalipikadong miyembro ng pamilya, at mga review incentive package para sa mga naghahanda sa licensure examination para sa mga guro.

Ayon sa DepEd, ang pagsisikap sa reintegrasyon ay hindi lamang tumutulong sa mga gurong OFW na naapektuhan ng krisis, kundi tumutugon din sa kakulangan ng guro at nagpapalakas sa hanay ng mga nagtuturo sa pamamagitan ng paggamit ng mga propesyunal na may pandaigdigang karanasan.

Dagdag pa ng mga opisyal, ang pagbabalik ng mga guro sa bansa ay nagtataguyod din ng katatagan ng pamilya, na nagbibigay-daan sa kanila na maipagpatuloy ang kanilang propesyon nang hindi kinakailangang malayo sa kanilang mga mahal sa buhay sa mahabang panahon.— Sherylin Untalan/FRJ GMA News