Naaresto na ng mga operatiba ng Manila Police District Station 1 ang dalawang suspek na nahuli-cam sa nag-viral na video habang hinoholdap nila ang isang babaeng rider na naipit sa trapiko sa Mel Lopez Boulevard (Road-10) sa Tondo, Maynila nitong Lunes ng gabi.

Nitong Martes, iniharap ni Manila Mayor Isko Moreno sa publiko ang dalawang suspek na sina alyas “Moymoy,” 26-anyos, at alyas “Sagiab,” 37-anyos, kapwa residente sa Tondo, na nadakip sa follow-up operation ng mga pulis.

Hindi napigilan ni Moreno na ilabas ang galit sa dalawang suspek na kaniyang minura lalo pa’t nakita sa viral video na inambaan nila ng saksak ang biktima, na umiiyak na dumalo rin nang ipresinta ang mga suspek.

Galing sa Navotas at patungong Mariones sa Tondo ang biktima nang mangyari ang insidente.

Positibong itinuro ng biktima ang mga suspek na siyang nanutok sa kaniya ng patalim at kumuha ng kaniyang pera at cellphone.

“Tang….mo, sinungaling kaming lahat ngayon,” gigil na sabi ni Moreno sa isang suspek na itinatangging kasama siya sa krimen kahit itinuro na siya ng biktima. “Tang….niyo, sasaksakin niyo pa yung babae eh. Nakakapanginig kayo ng laman.”

Kasabay ng paghingi ng paumanhin sa biktima dahil sa naranasang krimen sa Maynila, pinayuhan ni Moreno ang babae na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek upang makulong.

Iniutos din ng alkalde na mabawi ang mga ninakaw sa biktima. – FRJ GMA Integrated News