Pinayagan na muli ng mga awtoridad ang mga tao na makapaligo sa Tondaligan Beach sa Pangasina nitong Lunes, Abril 6, 2026. Pansamantalang isinara ang paliguan matapos na makapagtala ng aabot sa 80 kaso ng jellyfish sting nitong Semana Santa.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing binuksan muli sa mga tao ang beach nang ideklarang ligtas na ang itong paliguan muli. May ilang bisita ang bumalik sa tubig upang magpalamig sa harap ng mainit na panahon

Ayon sa datos ng mga awtoridad, 68 kaso ng nadikitan ng dikya ang naitala noong Abril 5 lamang. Kaya umabot ang bilang sa 80 ang kabuuang mula noong Miyerkules Santo. Hindi bababa sa 48 biktima ang dinala sa ospital para gamutin ngunit nakalabas din matapos mabigyan ng lunas.

Iniulat ng mga biktima ang mga sintomas tulad ng pagsusuka, matinding pangangati, at hirap sa paghinga.

“Mga nagsusuka po. Hindi ma-tolerate po ang kati at affected po ang kanilang paghinga,” sabo ni Ella Oribello, chief lifeguard sa Tondaligan Beach Park.

Nauna nang sinuspinde ng lokal na pamahalaan ang paglangoy bilang pag-iingat laban sa posibleng allergic reactions sa dikya.

Sa muling pagbubukas ng dalampasigan, pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na manatiling maingat, lalo na’t karaniwan ang mga dikya tuwing mainit na panahon.

“Panahon po ng dikya. Just in case po na nakagat ng jellyfish, lumapit lang po sa mga medical team, sa ating mga lifeguard. Nakaantabay palagi,” ani Oribello.—FRJ GMA News