Pinatunayan ng isang 78-anyos na lola na mula sa Lal-lo, Cagayan na hindi balakid ang edad pagdating sa edukasyon matapos siyang makapagtapos ng senior high school.

Sa ulat ng GMA show na “Unang Hirit” nitong Lunes, sinabing kabilang si Genoveva Andaya sa mga nagsipagtapos sa Technical-Vocational-Livelihood–Home Economics (TVL) strand sa Magapit National High School noong Marso 31.

Ayon kay Andaya, naging hadlang noon ang kahirapan kaya hindi siya makapagtapos ng kaniyang pag-aaral noong kaniyang kabataan.

Ngunit dahil sa kaniyang determinasyon na matupad ang pangarap, sinamantala niya ang pagkakataong makabalik sa pag-aaral sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS), at matapos ng senior high school.

Sinabi ni Andaya na ang kaniyang nakamit ay patunayan na hindi dapat maging hadlang ang edad upang makamit ang hangaring makapagtapos ng pag-aaral.—FRJ GMA Integrated News