Aminado ang isang opisyal ng militar na mali ang ginawang pananakit ng ilang sundalo sa nadakip na lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng Maute-ISIS sa Marawi. Bukod sa gagawing pagsisiyasat sa naturang insidente, aalamin din kung ano ang nangyari sa lalaki.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa isang video ang isang lalaking naka-brief lang at nasa putikan habang napapaligiran ng mga sundalo.
May ilang sundalo na sumisipa sa lalaki at mayroon din namang sundalo na umaawat sa mga kasamahan para hindi saktan ang lalaki.
Maririnig din sa video ang pagtatanong sa lalaki at paninisa na marami itong napatay.
Ayon sa ulat, hindi malinaw kung sumuko o naaresto ang lalaki at kung kailan nakunan ang pangyayari.
Hindi na nalaman kung ano ang nangyari sa lalaki nang ipasok na sa isang istruktura at sinundan ng mga galit na sundalo.
Nang ipinakita sa Deputy Commander ng Joint Task Group Ranao na si Colonel Romeo Brawner ang video, sinabi nito na hindi nila hinayaan ang mga paglabag sa karapatang pantao.
"Kung sino man ang makita sa video na maaaring nag-violate ng human rights, iimbestigahan natin," anang opisyal.
Ipaliwanag naman ni Brawner, naka-underwear lang ang lalaki dahil kailangan itong gawin sa mga sumusuko o nahuhuling kalaban para matiyak na walang nakatagong baril o bomba kapag lumapit sa mga sundalo.
Naniniwala siya na isolated case ang nangyari at aalamin din kung ano ang nangyari sa lalaki. -- FRJ, GMA News
