Bago ang malagim na pag-araro ng truck sa ilang mga sasakyan sa Batasan-San Mateo Road sa Quezon City, nahuli-cam pa ito na gumilid na sa kalsada pero nagtuloy-tuloy pa rin kaya nakapatay ng lima katao at nakasugat sa walong iba pa nitong Huwebes ng hapon.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabing naging pahirapan ang pagliligtas sa mga biktima at pag-alis sa kalsada ng naaksidenteng truck dahil sa bigat ng mga karga nitong bakal.

Sa ilalim nakuha ang patay at pira-pirasong katawan ng naipit na rider ng motorsiklo na isang bumbero.  Sa unahan naman, halos hindi na makilala ang dalawang sasakyang inararo ng truck at naipit din ang mga sakay.

Tinamaan din ng truck ang isang tow truck, isang jeep, ilang tricycle at ilang motorsiklo.

Kuwento ng driver ng truck na si Nilo Calimutan, nararamdaman na niyang nagkakaproblema sa preno ang kaniyang sasakyan kaya itinabi niya.

"Pagtapak ko ng preno biglang nauubos ang hangin itinabi ko, pinakalsuhan ko sa pahinante. Nakalsuhan kaso tumalon lang hindi kinaya kasi palusong kasi," ayon kay Calimutan na nagsasabing maaaring overloaded ang karga niyang bakal.

Gayunman, nilinaw niyang hindi siya ang nagdesisyon kung gaano karami ang ikakargang bakal sa truck na ipinahatid lang daw sa kaniya.

"Hindi ko talaga sinasadya. Sana mapatawad nila ako. Sabi ko nga sana ako na lang ang namatay," dagdag niya.-- FRJ, GMA News