Nagulat at natakot ng isang dalaga sa Valenzuela City dahil ang una niyang inakalang multo, lalaki pala na nakapasok sa kaniyang kuwarto at nakatulog sa ilalim ng kaniyang kama sa Valenzuela.

Sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing parang eksena raw sa nakakatakot na pelikula ang naging karanasan ng isang dalaga dakong 2:00 a.m. kanina sa Barangay Karuhatan sa nabanggit na lungsod.

Katatapos lang daw maligo ng 30-anyos na si Rose Ann Flor nang may marinig siyang malakas na paghihilik sa ilalim ng kaniyang kama.

"Natakot ako kasi akala ko baka may nagmumulto. Napansin ko yung mga unan ko at stuffed toys nasa lapag po. Kinuha ko yung unan ko tapos nakita ko may ulo ng lalaki. Tapos yun po tumakbo na po ako nagsisigaw na po ako," kuwento ni Rose Ann.

Nagising sa sigaw niya ang kaniyang amang si Anacleto Flor Jr., na nakakuha ng itak at sumugod sa kuwarto ng kaniyang bunso.

Dito na naging madugo ang mga sumunod na nangyari at iwinasiwas ang dalang itak sa lalaking nakita sa kuwarto ng kaniyang anak.

Naawat lang daw ang ama nang dumating na ang mga respondeng barangay.

Kinilala ang lalaki na pumasok sa kuwarto na dalaga na si Paulo Estrada, 35-anyos, na  maglilimang taon na raw nangungupahan sa compound ng pamilya.

May nakuha umano kay Estrada na isang kutsilyo.

Kaagad siyang dinala sa ospital para gamutin ang tinamong mga taga.

Ayon kay Police Senior Superintendent Ronaldo Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, hindi pa alam kung bakit pumasok sa kuwarto at natulog si Estrada sa ilalim ng kama ng dalaga.

"Hindi natin alam kung ano ang nasa isip niya, mukhang nakainom itong suspek natin. Kinausap ng imbestigador natin pero parang hindi pa ganun kaliwanag ang isip niya dahil hindi pa niya alam bakit sya nandoon sa ospital," ayon kay Mendoza.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, dumaan ang suspek sa bintana ng kusina at umakyat sa hagdan para makarating sa kuwarto ni Rose Ann.

Nagtago raw ang suspek sa ilalim ng kama pero nakatulog ito roon dahil nakainom.

Wala naman daw nawalang gamit sa bahay at asampahan ng mga kaukulang reklamo ang suspek dahil sa ginawa nitong trespassing at pagdadala ng patalim. -- FRJ, GMA News