Habang abala sa paghahanda ang mga tao sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, pinaaalalahanan ang lahat na busy rin ang mga digital scammer sa paghahanap ng mabibiktima. Narito ang ilan sa mga modus ng mga scammer upang nakawin ang pinaghirapang ipon, at alamin din ang mga paraan upang maprotektahan ang sarili.

Upang mapanatiling ligtas ang bank account, pinaalalahanan ng Bank of the Philippine Islands (BPI) ang kanilang mga kliyente na mag-ingat sa mga sumusunod:

1. Pekeng tawag sa bangko na mukhang totoo

Isa sa mga pinakakaraniwang scam ay ang tawag mula sa taong nagpapakilalang empleyado ng bangko, e-wallet, o financial service company. Sinasabi nilang may kahina-hinalang transaksiyon o kailangan daw nilang “i-verify” ang account.

“Their goal is to get you to reveal your OTP (one-time password), password, or card details. Banks do not ask for OTP or passwords over the phone,” paalala ng BPI.

Hinihikayat ng BPI ang kanilang mga kliyente na tumawag sa kanilang 24-hour contact center sa (+632) 889-10000 o mag-chat sa BEA, ang opisyal nilang website kapag nakaranas ng ganitong insidente.

2. Mga link na humahantong sa pekeng website

Nagpapadala ang mga manloloko ng mga link na sinasabing magagamit para sa refund, reward, o reactivation ng account.

Ngunit ang mga link na ito ay humahantong sa pekeng banking page na dinisenyo upang nakawin ang login details ng biktima.

“Remember, BPI will never send clickable links via email or text, so NEVER click on any link,” paalala ng BPI.

Pinayuhan din ng bangko ang mga kliyente nila na suriin ang URL dahil ang opisyal na website ng BPI ay bpi.com.ph.

3. Routine “verification” request daw

Nagpapanggap ang mga scammer bilang kawani ng bangko at nagsasagawa umano ng system check, at hinihiling nilang basahin nang malakas ang OTP, i-screen share ang cellphone, o mag-install ng app sa device.

“Customers are advised that banks never perform account verification through unsolicited calls or chats,” giit ng BPI.

“Clients must download apps only from Google Play Store, Apple AppStore, and other official mobile app download sites,” dagdag nila.

4. AI-generated screenshots bilang payment confirmation

Pinapayuhan din ang publiko na mag-ingat sa pakikipagtransaksiyon sa mga online marketplace sa social media. Mayroon mga scammer na humihingi ng bayad muna o nagpapadala ng payment confirmation upang magmukhang lehitimo.

Pero walang darating na produkto o pera matapos na magbayad.

“If you’re an online seller, scammers may use AI-generated payment confirmation screenshots. BPI is urging customers to check the account to verify, and not just rely on a screenshot,” ayon sa BPI.

5. “Emergency” money requests

Nakikipag-ugnayan ang mga scammer sa isang tao at nagpapanggap na kaibigan o kamag-anak, na kadalasang gumagamit ng bagong numero, at nagsasabing may agarang pangangailangan ng pera dahil sa isang emergency.

Pinapayuhan ang mga konsyumer na mag-verify muna sa ibang paraan bago magpadala ng pera.

Hinikayat din ng BPI ang publiko na sundin ang mga sumusunod na hakbang upang hindi maloko ngayong holiday season:

  • Panatilihing confidential ang OTP at mga password
  • Huwag pansinin ang mga link na ipinapadala sa text, kahit mukhang galing sa BPI
  • Makipagtransaksiyon lamang sa mga opisyal na platform ng bangko
  • I-report agad ang anumang kahina-hinalang aktibidad

Ang mga paalala at babala ng BPI ay hindi naiiba sa mga abiso rin ng ibang bangko sa bansa.

Nauna nang inilista ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at Scam Watch Pilipinas ang top 12 Christmas scams sa Pilipinas, na nangunguna ang online shopping scams. — Mariel Celine Serquiña/RF GMA Integrated News