Lima ang sugatan—kabilang ang isang batang estudyante— matapos na magwala at mamalo ng basyo ng bote ang isang lalaki sa loob ng bakuran ng isang elementary school at umabot sa kalsada sa Lezo, Aklan.
Sa ulat ni Julius Belacaol sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, sinabing idinadaos ang Mister and Miss Christmas coronation program sa paaralan nang biglang na lang mamalo ng mga dala nitong bote ang suspek.
Umabot hanggang sa kalsada ang kaguluhan sa walang humpay na pagwawala ng lalaki, at napilitan na rin ang mga residente na gumanti na dahilan para masugatan din siya.
Ayon sa isang saksi, isang ina ang dalawang beses na pinalo ng suspek sa ulo ng bote matapos nitong protektahan ang kaniyang anak.
Apat na biktima ang nasugatan sa insidente, kabilang ang isang menor de edad estudyante.
Dinala sila sa pagamutan, at isa kanila ang kinailangang i-confine.
Naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang 41-anyos na suspek na mahaharap sa patong-patong na kaso.
Ayon kay Police Captain Donie Magbanue, OIC ng Lezo Police Station, napag-alaman na bago ang insidente ay nagpa-check up ang suspek dahil hindi umano nakakatulog.
Mayroon umano ibinigay na reseta ang duktor sa suspek pero hindi pa naibibigay ang gamot. – FRJ GMA Integrated News
