Patuloy na nagpapagaling ang aktor at dating miyembro ng “That’s Entertainment’ star na si Fredmoore delos Santos matapos makaranas ng stroke na nakaapekto sa kaniyang pagsasalita at pagkilos. Ang kaniyang kabiyak, hindi siya iniwan sa gitna ng matinding pagsubok niya sa buhay.
Nitong nakaraang Sabado, itinampok ang kuwento ni Fredmoore na inaalagaan ng kaniyang kabiyak na si Jennifer. (BASAHIN: Dating child star na si Fredmoore delos Santos, nangangailangan ng tulong matapos ma-stroke)
Ayon kay Jennifer, inabutan na lang niyang walang malay sa banyo si Fredmoore, at isinugod nila sa ospital.
Pero napag-alaman na minsan na rin palang nawalan siya ng malay habang nasa taping noon ng proyekto.
Hinangaan ng host ng programa na si Vicky Morales ang katatagan ni Jennifer sa pag-aalaga sa aktor.
Nang tanungin kung saan siya kumukuha ng lakas, tugon ni Jennifer,”Kay Fred din po. Kasi kung hindi ko gagawin ‘yon paano po siya? Kasi wala na rin po siyang magulang, wala na pong mag-aasikaso sa kaniya.”
Sinabi rin ni Jennifer na gabi-gabi niyang ipinagdarasal sa Diyos ang paggaling ng kaniyang asawa.
“Papa God, pagalingin niyo na po ‘yung asawa ko. Huwag niyo po siya pababayaan. Huwag niyo po siya kukunin sa amin,” emosyonal niyang pahayag.
At ang tangi niyang wish ngayong Pasko, ang magkaroon ng gamot at pagkain para kay Fred.
Mensahe rin niya sa kaniyang mister, “Mahal na mahal kita. Hanggat kaya ko nandito lang ako. Parati akong nasa tabi mo. Kahit anong mangyari, nandito lang ako sa tabi mo parati. Hindi kita pababayaan.”
Hirap man magsalita, inihayag ni Fredmoore ang labis na pagmamahal at pasasalamat niya kay Jennifer.
Inihayag din ng aktor ang pagnanais na makabalik sa trabaho pero hindi niya magagawa sa ngayon.
“Sobrang nami-miss ko. Mahal na mahal ko ang showbiz,” saad ni Fredmoore na naging Best Child Actor sa FAMAS Awards noong 1991.
Sa tulong din ni Jennifer, inihayag ni Fredmoore ang kagustuhan niyang makita ang ilang nakasama niya noon sa That’s Entertainment.
Sorpresa naman siyang bisita ng ilang kasama sa dating programa at mga kaibigan na sina Mike Castillo, John Parcero, Bien Garcia, Chiqui Valenzuela at Rod Navarro.
Nagbigay din ng mensahe sa kaniya si Romnick Sarmenta.
“Magpagaling ka nang husto. I really wish you all the best. One of these days, tara hangout tayo lahat kapag nakaluwag-luwag, it would be great to see you,” ani Romnick.
Tunghayan ang buong tungkol kay Fredmoore sa video at alamin kung paano nabuo ang pagmamahalan nila ng kaniyang kabiyak na si Jennifer. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
