Pinagtibay ng Korte Suprema (SC) ang hatol na murder laban sa tatlong pulis kaugnay ng pagkamatay sa 17-anyos noon na si Kian delos Santos sa kasagsagan ng drug war ng administrasyong Duterte noong 2017 sa Caloocan City.
Sa 40-pahinang desisyon, sinabi ng Second Division ng SC na napatunayang guilty beyond reasonable doubt ang mga dating pulis na sina Arnel Oares, Jeremias Pereda, at Jerwin Cruz sa kasong murder, at hinatulan sila ng reclusion perpetua o hanggang 40 taon ng pagkakakulong.
“This Court finds that all of the elements of murder are present, and that all three accused are liable as principals of the crime. The elements that a person was killed, and that the killing ws5 not panicide or infanticide, are not contested by any of the parties,” saad sa desisyon.
Maliban dito, sinabi ng korte na inamin ni Oares na siya ang bumaril kay Delos Santos.
Ayon sa korte, ipinakita ng ebidensiya ng prosekusyon na hindi kumikilos sa pagsasagawa ng kanilang tungkulin ang mga pulis nang mangyari ang krimen.
“Even assuming that they were performing their duties as police officers, it is not shown that the killing of Kian is a necessary consequence of the due performance of such duty,” dagdag pa ng korte.
Pinagtibay din ng SC ang naging pasya ng Regional Trial Court at ng Court of Appeals (CA) na may kasamang qualifying circumstance ng treachery ang nangyaring pagpatay sa binatilyo.
Binanggit ng pinakamataas na korte ang testimonya ng isang doktor na nagsabing nakaupo o nakaluhod si Delos Santos nang barilin siya. Ayon dito, ang unang tama ng bala ay pumasok sa kaliwang bahagi at likod ng tainga, habang ang ikalawang tama ay pumasok sa likod ng noo.
“Therefore, when Kian was shot, he was not in a position to defend himself,” ayon sa desisyon.
Pinagtibay rin ng korte na may sabwatan (conspiracy) ng mga akusado, kaya pantay-pantay sila sa pananagutan sa krimen.
Sinabi rin ng SC na dapat bayaran ng tatlo ang mga naulila ni Delos Santos ng P75,000 bilang civil indemnity, P75,000 bilang moral damages, P75,000 bilang exemplary damages, at P50,000 bilang temperate damages, na may 6% interes kada taon mula sa petsa ng pagiging pinal ng desisyon hanggang sa ganap na mabayaran.
Ang naturang desisyon ay isinulat ni Associate Justice Jhosep Lopez, na ginawa noong Agosto at isinapubliko ngayong December 22.— Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News

