Naging tila taon ng hiwalayan ang 2025 sa showbiz dahil sa breakups na naganap sa ilang celebrities na ikinagulat ng kani-kanilang fans.

Ilan sa couples na naghiwalay ay inakalang hindi matitibag ang samahan dahil sa matagal na taon ng kanilang pagsasama.

Bago matapos ang 2025, balikan ang walong celebrity breakup na talaga namang pinag-usapan:

1. Barbie Forteza at Jak Roberto

Ang breakup nina Barbie at Jak ang bumungad sa mga Pinoy sa pagsisimula ng 2025 nang inahayag ng aktres noong Enero sa Instagram post na hiwalay na sila ni Jak.

Tumagal ng pitong taon ang relasyon ng dalawa, na inakala ng marami na simbahan na patungo.

2. Sam Milby at Catriona Gray

Nagkaroon muna ng mga haka-haka na tumagal ng halos isang taon, bago kinumpirma ni Sam noong Pebrero na hiwalay na sila ng Miss Universe 2018 na si Catriona.

Nangyari ang hiwalayan nina Sam at Catriona kahit pa naging engaged na ang dalawa noong 2023, matapos maging magkasintahan noong 2020.

3. Jeraldine at Josh Blackman

Noong Pebrero rin nang inanunsyo nina Jeraldine at Josh, ang sikat na Blackman family sa social media, na hiwalay na sila.

Emosyonal na ibinahagi ni Jeraldine ang naturang balita sa kanilang paghihiwalay sa Instagram.

Tiniyak din niya sa kanilang mga tagasubaybay na maayos pa rin ang kanilang relasyon at patuloy silang magka-co-parent para sa kanilang mga anak na sina Jette at Nimo.

Noong Nobyembre, halos isang taon matapos ang kanilang hiwalayan, opisyal na ipinakilala ni Jeraldine sa publiko ang kaniyang bagong nobyo na si Justin Leo, na isa ring content creator.

Ilang sandali matapos nito, pinalitan ang mga account na dating nasa pangalang The Blackman Family at ginawang Jeraldine, Jeronimo & Jorjette, na malinaw na hudyat ng pagsisimula ng isang bagong yugto.

4. Mikee Quintos at Paul Salas

Abril naman nang ipaalam ni Mikee sa “Fast Talk With Boy Abunda,” na tinapos na nila ni Paul ang tatlong taon nilang relasyon.

5. Kyline Alcantara at Kobe Paras

Hindi naging maayos ang hiwalayan nina Kyline at Kobe, kaya kinailangan magbigay ng pahayag ang ina ng basketball player na si Jackie Forster para ipagtanggol ang kaniyang anak.

Ilang buwan ding sinundan ng mga espekulasyon ang magkasintahan, hanggang sa mag-upload si Jackie ng isang video statement noong Abril kung saan kinumpirma niya ang paghihiwalay ng dalawa.

Ayon sa dating celebrity, nagsimulang masira ang relasyon nina Kyline at Kobe matapos ang kanilang biyahe sa Estados Unidos. Ipinagtanggol din niya si Kobe at itinanggi ang mga alegasyon ng panloloko.

Hindi nagtagal, naglabas naman ang Sparkle ng pahayag sa ngalan ni Kyline na nagsabing nais na niyang mag-move on sa naturang isyu.

6. Klea Pineda at Katrice Kierulf

Matapos ang tatlong taon ng relasyon, kinumpirma ni Klea sa July episode ng “Fast Talk With Boy Abunda” na hiwalay na sila ni Katrice.

Ayon kay Klea, mutual decision ang kanilang paghihiwalay.

Matapos ang naturang breakup, naugnay si Klea sa aktres na si Janella Salvador na nakasama niya sa Cinemalaya film na “Open Endings.”

7. Gerald Anderson at Julia Barretto

Setyembre naman nang pag-usapan ang paghihiwalay nina Julia at Gerald.

Kinumpirma ng talent agencies ng dalawa na Star Magic at Viva, ang breakup at inihayag ng una “mutual at maayos” ang naging desisyon ng dalawa tungkol sa kanilang relasyon.

Ilang buwan bago ang opisyal na anunsyo, pinabulaanan pa ni Gerald ang mga tsismis tungkol sa hiwalayan nila ni Julia at sinabing, “we’re okay.”

8. Derek Ramsay at Ellen Adarna

Noong Nobyembre, yumanig sa online world ang rebelasyon ni Ellen Adarna matapos niyang akusahan ang kaniyang asawang si Derek Ramsay ng panloloko at isiniwalat na tapos na ang kanilang relasyon.

Sa kaniyang ilang araw na paglalantad sa social media, ibinahagi ni Ellen na hindi na sila nagsasama ni Derek. Nag-post din siya ng mga screenshot ng mga mensahe umano nina Derek at ng isa pang babae noong Pebrero 2021, na ilang araw lang matapos na maging opisyal na magkasintahan sina Ellen at Derek.

Ayon din kay Ellen, nakausap na niya ang iba pang naging dating mga nakarelasyon ni Derek. Kasunod nito, inihayag ng aktres na umalis na sila ng kaniyang mga anak sa bahay ng aktor. — Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News