Tukoy na at pinangalanan ng pulisya ang suspek sa pagpatay sa "good Samaritan" at Grab driver na si Gerardo Maquidato Jr. At suspek, napag-alaman na mayroon nakabinbing warrant of arrest sa isa pang kaso ng pagpatay noong 2015.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang pinaghahanap na suspek na si Narc Delemios o Nikolo Delemios.
Sa imbestigasyon ng Pasay police, napag-alaman nila natuloy ang isa sa mga cancelled bookings ni Maquidato noong gabi ng Oktubre 26, ilang oras bago nakita ang bangkay niya na iniwan sa bangketa ng may tama ng bala sa ulo.
Tinangay din ng salarin ang sasakyan ng biktima na Toyota Innova.
Sa tulong ng mga CCTV camera, nasubaybay ang mga huling biyahe ni Maguidato hanggang sa makita ang kaniyang katawan sa Don Carlos village sa Pasay.
Sa listahan ng mga cancelled booking, isang babae ang nag-book ng Grabcar mula FB Harrison papuntang Market Market sa Taguig.
Pumunta ang babae sa pulisya noong Linggo at sinabing ginamit ng kaniyang live-in partner na si Delemios ang kaniyang cellphone para magbook ng Grab.
May outstanding warrant si Delemios para sa isa pang kaso ng pagpatay noong 2015.
Pinayuhan ni Superintendent Gene Licud, Deputy for Operations, Pasay police, si Delemios na sumuko na at harapin ang kaniyang kaso. — FRJ, GMA News
