Isang lalaki ang nasawi matapos siyang saksakin ng kaniyang kapitbahay na unang nakipagsagutan sa kaniyang ina nang wala raw datnang ulam sa kanilang bahay sa Malabon City.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Jay Ranile, 44-anyos, residente ng Barangay Longos sa nabanggit na lungsod.
Sumuko naman sa mga awtoridad ang kapitbahay na suspek na si Alberto Ople, Jr., 25-anyos.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakainom daw ng alak si Ople at inaway ang kaniyang ina nang malamang walang ulam sa kanilang bahay.
Ayon kay Ople, nakialam daw si Ranile sa away nilang mag-ina at armado pa raw ng baril ng biktima.
"Yung kapitbahay po namin bigla pong nagalit. Ginawa ko po lumabas ako ng bahay namin. Sabi ko, 'Anong problema mo ba't nangingialam ka?' Tinutukan po ako ng baril, 'di na po ako kumibo," kuwento ng suspek.
Kahit bumalik na raw si Ople sa bahay, sinugod pa rin daw siya ng biktima at naglaglag siya sa hagdan.
"Nalaglag po ako sa hagdanan namin. Sa sobrang takot ko po, madilim sa baba namin, nakuha ko po yung kutsilyo sa gilid ng dingding namin. Inunahan ko na lang din po kasi kung 'di ko maunahan babanatan ako e," paliwanag niya.
Isinugod si Ranile sa ospital pero namatay din dahil sa limang saksak na tinamo sa dibdib.
Nasugatan din ang suspek matapos siyang sugurin ng mga kaanak ng biktima.
Giit ni Ople, idepensa lang niya ang kaniyang sarili sa biktima na tinawag niyang siga sa kanilang lugar.
Nahaharap sa kasong homicide si Ople.-- FRJ, GMA News
