Dahil lamang sa agawan ng puwesto ng tulugan, sinaksak at napatay ng isang matandang lalaki ang isang binatilyo sa San Andres, Maynila nitong Sabado ng madaling araw.
Sa ulat sa Balitanghali, natutulog ang 15-anyos na biktima sa loob ng isang nakaparadang pampasaherong jeep sa Osmeña Highway nang lapitan ng isang matandang lalaki.
Gusto ring matulog ng matanda sa loob ng jeep at nang tanggihan ng biktima ay bigla na lamang itong pinagsasaksak gamit ang isang 12-pulgadang patalim.
Nakatakbo pa ang biktima ng may isang metro palayo ng jeep, ngunit sinundan pa rin siya ng matandang lalaki at patuloy na inundayan ng saksak hanggang sa mamatay.
Nakatakas ang salarin na hindi pa rin alam ng mga pulis ang pagkakakilanlan.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. —ulat ni Luisito Santo/ALG, GMA News
