Nagbigti ang isang lalaki sa Cagayan de Oro City matapos patayin ang kanyang asawa dahil umano sa selos.
Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkoles, laking gulat umano ang anak na lalaki ng mag-asawa nang makita ang kanyang ama na si Salvador Sunot na nakabigti sa loob ng kanilang bahay.
Hindi kalayuan sa kanilang bahay, nakita naman umano niya ang kaniyang ina na si Lucia na duguan at may sugat sa dibdib.
Sa paunang imbestigasyon, posible umanong nagtatalo ang dalawa dahil sa selos na humangtong sa pananaksak ni Salvador sa kanyang asawa bago siya magbigti.
Sa Iriga City sa Camarines Sur naman, patay ang isang construction worker na kinilalang si Conrado Dominguez matapos makoryente sa construction site na pinagtatrabahuhan nito.
Naisugod pa umano sa ospital ang biktima ngunit namatay din kalaunan.
Ayon sa isang katrabaho, nagkabit umano sila ng vault sa ginagawang gusali nang sumabit sa live wire ang bakal na hawak ng nito.
Sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na may kapabayaan dahil may mga nakalaylay na kawad ng koryente sa construction site.
Wala pang pahayag ang may-ari ng itinatayong gusali.
Samantala, sa Zamboanga City, patay ang 70-anyos na si Sulficio Nuyot sa Zamboanga City matapos palakulin ng kanyang anak-anakan ng dahil sa isang basong tuba.
Naaresto na ang suspek na si Gilbert Madera.
Kuwento niya, ininom niya ang huling baso ng tuba kaya nagalit umano ang biktima. Dito na nagsimula ang pagtatalo ng dalawa na humantong sa pamamalakol.
Nahaharap ang suspek sa reklamong murder. —LBG, GMA News
