Natigmak ng dugo ang kasiyahan ng mga taga-barangay 104, zone 8 sa Tondo, Maynila nitong Lunes ng gabi nang barilin sa ulo at mapatay ang kanilang punong barangay ng dalawang salaring sakay ng motorsiklo.
Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing dakong 11:00 p.m. habang nakikisaya sa ilang kalugar sa J.P. Rizal Street nang barilin ang biktimang si Chairman Randy "Bong" Reyes.
Nasugatan naman ang pedicab driver na si Rodel Mariano matapos na barilin din at madaanan sa isang kanto ng mga tumatakas na salarin.
"Pumunta po siya doon sa kapitbahay din namin malapit din sa'min sa kanto. Yun dun sila nagparty-party. Nalaman na lang namin may putok na," ayon sa kaanak ng biktima.
Hinihinala naman ng pulisya na posibleng napatingin si Mariano sa mga salarin habang tumatakas kaya pati ito ay binaril na tinatamaan sa tagiliran.
Batay sa inisyal na impormasyong nakalap ng pulisya, may suot na face mask at hood ang mga salarin.
Kabilang na ang kaso ni Reyes sa sunud-sunod na insidente ng pamamaril ng mga nakamotorsiklong salarin sa Tondo mula noong nakaraang linggo.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo at pagkakakilanlan sa mga pumatay kay Reyes. -- FRJ, GMA News
