Nangangamba ang NARS Partylist group na 10,000 hanggang 12,000 nurse ang mawawalan ng trabaho dahil hindi na mare-renew ang kanilang kontrata sa ilalim ng Nurse Development Program (NDP) ng Department of Health. Pero paglilinaw ng DOH, nasa mahigit 1,000 nurse lang umano ang maaapektuhan.

Sa ulat ni Steve Dailisan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing ang pagbabawas ng nurse sa NDP ay bunga umano ng kakulangan ng pondo para sa nabanggit na programa.

Ang mga nurse na kinukuha ng gobyerno sa ilalim ng NDP ay nagiging contractual employees at ipinapadala ng DOH sa mga komunidad para umalalay sa serbisyong medikal ng lokal na pamahalaan.

Gayunman, wala umanong katiyakan ang mga nurse na nakapaloob sa programa kung hanggang kailan mare-renew ang kanilang kontrata.

Ayon sa Ang Nars Partylist group, batay sa natanggap nilang impormasyon, ang isang bayan sa Bulacan ay nagkaroon na lamang ng limang nurse mula sa dating 13.

Sa Naga City, 50 porsiyento umano ng NDP ang hindi na nirenew ang kontrata.

"Ang alam ko may budget naman na na-passed na tayo ngayong 2018 budget. Dapat ang ginawa ng Department of Health gumawa sila ng plantilla positions for regularization and then sinabmit [submit] sa Congress and then na approved 'to. Dapat regular ang mga human resource for health [natin]," ayon kay Ang Nars Partylist Rep. Leah Paquiz.

Sinabi naman ni Sean Herbert Velchez, convenor, Laban Nurses, na maapektuhan nito ang serbisyong pangkalusugan sa Pilipinas.

"Pito sa sampung may sakit na Pilipino ay namamatay na hindi nakikita ng midwife o nurse," aniya.

Noong 2017, halos 16,000 nurse umano ang naipadala sa mga lugar na kulang sa health workers sa ilalim ng  deployment program ng DOH.

Base sa tala ng Philippine Overseas Employment Administration, may mahigit 22,000 ang OFW nurses noong 2015. Ito ang sinasabing ikatlong pinakamaraming bilang ng OFW sa nabanggit na taon.

Pero nilinaw ni DOH Undersecretary Roger Tong An, nasa mahigit 1,000 nurse lang ang nawalan ng trabaho.

Kailangan daw magbawas ng tao para maitaas ang suweldo ng mga naiwan sa ilalim ng Salary Standardization Program.

Idinagdag pa niya na ang pagre-renew ng kontrata ng mga nurse ay depende sa kanilang mga performance.

Nasa 100,000 nurses umano sa bansa ang kontraktwal kahit nagtatrabaho sa gobyerno.

Pero patuloy naman daw na nakikipag-usap ang DOH sa Department of Budget and Management para madagdagan ang plantilla position para sa mga nurse.

Gayunman, tuloy daw ang laban ng mga nurse na may ikinakasang mass walkout sa Pebrero. -- FRJ, GMA News