Sa pamamagitan ng mga naiwan niyang mga medalya, uniporme, at mga gamit na nakalagay sa isang kahon, nananatiling buhay sa puso ng kanyang ina ang mga alaala ni Police Officer 2 Romeo Cempron, isa sa 44 na magigiting na miyembro Special Action Force (SAF) na nagbuwis ng buhay sa tinaguriang Mamasapano Clash sa Maguindanao tatlong taon na ang nakalilipas.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, anibersaryo ng Mamasapano Clash, sinabing isa si PO2 Cempron sa dalawang unang ginawaran ng Medal of Valor sa SAF 44, ang mga police commando na nasawi sa engkwentro laban sa ilang mga rebeldeng elemento sa bayan ng Mamsapano sa Maguindanao noogn January 25, 2015.

Ang SAF 44 ay bahagi sa isang operasyon laban sa teroristang si Malaysian bomber Sulkifli Bin Hir alias Marwan, nanapatay din sa naturang misyon.

Tumutulo na lamang ang luha ni nanay Prosperina Cempron  sa tuwing naaalala ang anak.

"Hindi ko rin magustuhan 'yung [pagpupulis niya] kaya lang, gustong gusto niya. Sabi ko, 'Sige anak, ikaw ang bahala. Ngayon namatay na siya, ang lungkot-lungkot ko talaga," sabi ni Nanay Prosperina.

Pahayag niya, noon ay nakatatanggap pa ang kanilang pamilya ng mga benepisyo mula sa gobyerno. Pero nang muling mag-asawa ang biyuda ng kayang anak, tumigil ang pagtanggap nila ng pensyon.

Buhay itinaya para sa kasama

Ayon sa ulat, magkasama noon na nakikipagbakbakan sina PO2 Cempron at si PO2 Christopher Lalan, laban sa mga miyembro ng mga armadong grupo sa Mamasapano nang masabugan ng bomba ang paa ni Cempron at hindi siya makagalaw.

Nang makalapit ang mga kalaban sa kanilang direksyon, binigyan ni Cempron ng senyas si Lalan na tumakas na, habang sinasangga niya ang mga bala.

Dahil sa kabayanihan ni Cempron, nakaligtas si PO2 Lalan.

"Proud na proud po ako sa kapatid ko. Sa mga nakakakita sa akin, 'Si Cempron may kapatid na SAF 44, bayani," pahayag ni Richard Cempron, kapatid ni PO2 Cempron.

Hiling na benepisyo

Tuluy-tuloy na nakatatanggap ng kaukulang benepisyo mula sa gobyerno ang mga naiwang pamilya ng SAF 44, gaya ng mula sa Philippine National Police, National Police Commission (NAPOLCOM) at sa kaso ni PO2 Cempron, mula sa Medal of Valor.

Pero nang muling mag-asawa ang dating misis ni Cempron, wala na ang pensyon ng pamilya.

"Medal of Valor, sana maibigay kay mama dahil wala naman silang anak, si mama na lang ang natira, kaya sumulat daw sa kanila. Sa ngayon wala pang resulta," pahayag ni Richard.

"Sana maawa naman si presidente, ibigay naman ang benepisyo mula sa Medal of Valor kasi mayroon akong maraming sakit," hiling ni nanay Prosperina.

Dama pa rin ng pamilya Cempron ang sakit ng pagkawala ng kanilang kaanak, ngunit marami pa rin sa kanilang angkan ang gustong sundan ang yapak ng namayapang SAF.

"Gusto raw silang magsundalo. Sabi ko 'Huwag naman apo, andami na 'yung namamatay na sundalo. Sabi niya 'Hindi naman, mamamatay naman tayo lahat,'" kuwento ni nanay Prosperina.

Taon-taong ipinagdiriwang ng pamilya Cempron ang maiksi ngunit makabuluhang buhay ng kanilang bayani. Ang kaniyang mga alaala, buhay na buhay pa rin sa isang kahon kung saan itinago ng kanyang ina at kapatid ang lahat ng patunay ng kaniyang kabayanihan.

"Ito 'yung mga dyaryo galing sa Bohol na binigyan siya ng Medal of Valor," sabi ni Richard Cempron. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News